Paliwanag sa Botong “No” sa Pagpapalawig ng Proclamation 216 o Martial sa Mindanao
Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate
Hulyo 22, 2017, Special Session
Ginoong Speaker, mga kapwa mambabatas, “NO” ang boto ng Representasyong ito dahil hindi PARA SA KAGALINGAN NG mamamayan ang pagpapalawig sa Proclamation 216 o ang deklarasyon ng Martial Law sa buong Mindanao.
Kalabisan ang pagpataw ng Martial Law. Kalabisan ang suspension ng privilege of the writ of habeas corpus. Kalabisan na sakupin nito ang buong Mindanao. Kalabisan ang saklawin ang lahat ng mga armadong rebolusyonaryong pwersang kumikilos sa Mindanao sa gitna na usapang pangkapayapaan. Lalong kalabisan ang ekstensyon o pagpapalawig ng Martial Law.
Hindi kailangan ang Martial Law sa Mindanao man o sa buong bansa. Saligang prinsipyo at patakaran sa 1987 Saligang Batas ang pangingibabaw ng kapangyarihang sibilyan sa kapangyarihang militar. Bunga ng mapait na karanasan ng mamamayan sa Martial Law ng Diktadurang Marcos, tiniyak sa Saligang Batas na may mga limitasyon at hangganan ang kapangyarihang magdekalara ng Martial law. Bahagi dito ang paglalatag ng mga kundisyon at taning sa pag-iral ng Martial Law.
Bakit kailangang magdeklara ng Martial Law sa buong Mindanao at palawigin pa ito kung ang sinasabing pag-aalsa ng grupong Maute o Dawlah Islamiya, AKP at ASG ay nasa tatatlong barangay na lamang ng Marawi at lubusan nang napahina batay mismo sa sulat ni Pangulong Duterte at ulat ng militar?
Totoo ba ang mga ulat ng tagumpay ng tropang militar laban sa mga tinaguriang teroristang mga grupo nitong nakaraang buwan, o ang mga ito ay gawa-gawa lamang?
Ayon sa Saligang Batas, rekisitos sa pagdedeklara ng martial law di lamang ang aktwal na pag-iral ng rebelyon at pananakop kundi ang pagkakaroon ng malaking banta sa kaligtasan ng publiko.
Hindi na ba gumagana ang mga local government units at hudikadura sa ibang probinsya, munisipyo at syudad ng Mindanao kagaya ng Davao, Cagayan De Oro, Bukidnon, Surigao at iba pa para palitan ng pamumuno ng militar? Hindi na ba kayang gampanan ng LGUs ang pangangalaga sa kaligtasang publiko ng mamamayang kanilang nasasakupan?
Laan ang imposisyon ng Martial Law, ayon sa ating Saligang Batas, para tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan. Tungkulin ng pwersang militar ng gobyerno na sugpuin ang mga may tangkang gawan ng kapinsalaan ang ating mga kababayan. Pero sa halip na matiyak ang kaligtasang publiko, ang 60-araw na Martial Law sa Mindanao ay nagdulot ng malawakang dislokasyon, pananakot at kamatayan ng mga sibilyan at tropang miltar.
Sa 201,785 populasyon ng Marawi (PSA, 2016), lumobo sa 523,430 katao, higit kalahating milyon, at lampas sa doble ng buong populasyon ng Marawi, ang displaced persons batay sa datos ng DSWD nitong Hulyo 19, 2017 – patunay ng malaking human costs ng Martial Law. Nawalan sila ng bahay, ng kabuhayan, at ng ari-arian dahil sa umano’y “surgical airstrikes” ng AFP. Katunayan, para sa maraming bakwit, wala na silang bahay na babalikan.
Maliban sa mga namatay at nasugatan sa labanan, marami ang naitalang paglabag sa karapatang pantao sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao lalo na sa komunidad ng mga Lumad at magsasaka, halimbawa sa North Cotabato at sa Bukidnon. Ilang daan o libong buhay pa ang mawawala at ilalagay sa kapahamakan sa pagpapatuloy ng all out war at pambobomba bunga ng Martial Law sa Mindanao?
Huwag tayong maging bulag at bingi sa panawagan ng ating mga kababayang patuloy na nagdurusa sa evacuation centers, nahihintatakutan sa kanilang mga barangay at komunidad, dahil sa karahasang militar at walang habas na pambobomba bunga ng Martial Law.
Pangarap nilang makabalik sa kanilang mga tahanan at muling makapamuhay. Hindi ito mangyayari sa pagpapalawig ng Martial law sa Mindanao o saanmang panig ng bansa.
Para sa kapakanan, kagalingan at kaligtasan ng mamamayan sa Mindanao at sa buong bansa, dapat nang itigil at huwag nang palawigin pa ang Martial Law.