TULA (POETRY)
Kapag Pumula ang Araw sa Silangan
NI OLIVER CARLOS
Inilathala ng Bulatlat
Kung paanong kinauuhawan ng mga uhay ng palay
Ang kristal na hamog sa bukang-liwayway
Ang kung paanong sabik na sinasalubong
Kinakanlong ng mga bitak sa linang ng lupa
Ang agos ng tila nahihiyang tubig
Na titighaw at dadampi sa dibdib ng sakahan
Alam kong hinihintay mo rin ako
Inang bayan babalik ako
Tulad ng isang agilang magpapakupkop sa init ng iyong pugad
ikampay man nang kay layo sa nagpupuyos na hangin ang kanyang mga pakpak
Lakbayin man ang dawag ng mapagkanlong na gubat
At tawirin ang mga nagkulay dugong batis sanhi ng digmaan
Sa iyong nawasak at naulilang dibdib, babalik ako
Libong ulit man akong masugatan
Hanggat makatitindig ay buong-giting na aawit ang tangan kong baril
Pipilitin kong huwag malugmok sa kasukalan
Pipilitin kong makabalik
Dahil batid ko
Tulad ng mga uhay ng palay na kinasasabikan
Ang dampi ng masuyong hangin
Ang kristal na hamog sa bukang-liwayway
Nasasabik ka nang salubungin ang katuparan ng isang pangarap
Pangarap na balang araw, tulad nilay makababalik din ako sa iyong sinapupunan
At taas-kamao mong ipagbubunyi kasama ng iyong mga anak ang iyong kalayaan
Kapag pumula ang araw sa silangan.
Inilathala ng Bulatlat