TULA (POETRY)

Kay Grecil Galacio, 9


NI MARK ANGELES

Inilathala ng Bulatlat

May isang Griyegong nagwika:

Ang ilog ay hindi na ang dating ilog

sa susunod na paglusong.

Ibig sabihin, ikaw ay hindi na ikaw.

Noong huli mong mapansin, Grecil,

ang iyong imaheng nasalamin

sa saloy ng ilog Simsimen,

hindi iyon ang imaheng muling tatambad

sa iyo at sa mga kasamang

nanghuhuli ng gagamba sa kakahuyan

upang ipanlaban sa damang-damang.

Sa iyong siko, lumusot ang balang

pinawalan ng 67th Infantry Batallion.

Winasak ng ilan pa ang iyong bungo.

Ikaw ay hindi na ikaw, Grecil,

habang nahihimlay ang katawan.

Sumisiyap ang mga sisiw

sa ibabaw ng iyong kabaong

at humihingi ng katarungan.

Hindi matitinag ang aming isip.

Lalot saput-sapot ang bintang

ng mga bulaang galamay ng militar.

Na ikaw ay miyembro ng NPA

at may hawak kang M16

noong kayo diumano ay tambangan.

Paano nga ba tatanganan

ang ripleng halos kasintaas?

Ni hindi ka makahawak

ng dalawang galong tubig

tuwing matokang umigib.

Sa pagtalunton sa landas

kung saan ka itinimbuwang,

hahanapin namin ang bakas

ng lupang napigta ng iyong dugo.

Ikaw ay hindi na ikaw,

sa ilog na ito o kung saan man.

Ngunit may kailangang magbayad

sa kanilang kapabayaan.

At may handang magbuwis

ng kanilang sariling buhay

para sa iyong kamatayan.


Inilathala ng Bulatlat

**damang-damang larong gagamba

comments powered by Disqus