Isang bukas na liham sa nais maging pulis

Feb. 05, 2021

Batid kong hangad mong mapabuti ang mundo. Simula pagkabata, sa tuwing tinatanong ka kung anong gusto mong maging, palaging sagot mo ay ang manghuli ng masasamang tao. At tila dumarami nga sila, sapagkat gabi-gabi na lang, laman ng mga balita ang iba’t ibang kaso ng pagnanakaw, panggagahasa, pagpatay. Magiging bahagi sila ng iyong kamalayan at magpapaigting sa iyong pagnanais na labanan ang krimen.

Di maglalaon ay matutupad mo ang pangarap. Magsisimula ka sa serbisyo nang may suweldong humigit-kumulang tatlumpung libo, mas mataas sa bagong pasok na titser o nars, higit na mataas sa sahod ng mga kamag-anak mong nagtatrabaho sa pabrika.

Ipagkakaloob sa iyo ang iyong tsapa at ang una mong baril. May lamig at angking bigat. May kung anong kapangyarihan. Bigla mong maiisip ang kababatang umapi sa iyo noon, ang ilan sa mga naging kaaway. Maingay ang kapitbahay. Hihigpit ang iyong hawak sa bagong-kaloob na armas.

Bagaman hindi na lingid sa iyo, mabibigla ka pa rin sa kalakaran. Maririnig mo ang impit na pag-iyak ng isang babae sa tagóng silid ng opisina. Isa siya sa mga nahuli sa buybust operation at naroon din sa silid ang dalawa mong kasama. Sasabihan ka nilang huwag makialam, masuwerte nga siya’t hindi siya itinumba tulad ng kaniyang asawa.

Uutusan kang dalhin ang babae sa isa pang silid. Ipauurong sa iyo ang estante malapit sa mesa ng hepe. Sasalubungin ka ng nakasusulasok na amoy. Maaaninag mo sa dilim na may mga tao pala roon, hindi pa nasasampahan ng pormal na reklamo at naghihintay na matubos.

Makararamdam ka ng awa. Ngunit agad din itong mawawaglit nang maisip mong hindi ba’t kailangan silang turuan ng leksiyon? Sasabihin nilang wala silang kasalanan ngunit sino ang niloloko nila?

Lilipas ang panahon at makakasama ka na rin sa mga operasyon. Ayaw mong masaktan ang sino man ngunit bigla mong maaalala ang bilin sa iyo: Iputok mo kung kinakailangan. Sa halip na ang suspek, isang bata ang bubulagta.

Paulit-ulit mong iisipin ang nangyari ngunit paulit-ulit mo ring maiisip na digmaan ito. Sa digmaan, palaging may collateral damage. Bayani ang bata sa pag-aalay ng kaniyang buhay sa giyera kontra droga.

Di maglalaon, tataas ang iyong posisyon dahil sa masipag mong paggampan sa tungkulin. Darami pa ang operasyon: Sisirain mo ang pananim ng mga magsasaka, babaklasin mo ang bahay ng mahihirap, huhulihin mo ang mga manggagawang nagpipiket. Sasagasaan mo ang mga katutubo at papahirapan ang mga aktibista. Trabaho lang, walang personalan.

Sa pagnanais na linisin ang iyong konsensiya, susubukan mong bigyang kahulugan ang iyong mga ginawa. Kesyo palagi na lang silang nanggugulo. Kesyo mga komunista sila. Teka, ano nga ba ang ibig sabihin ng komunista? Ang sabi sa inyo, gusto raw nilang guluhin ang bansa, at tungkulin mong panatilihin ang kaayusan at kapayapaan.

Ngunit kaayusan at kapayapaan para kanino, Mamang Pulis? Nasaan ang kaayusan at kapayapaan kung patuloy na tinatapakan ng makapangyarihan ang mahihirap?

Patuloy na inuubos ng mga multinasyunal at lokal na korporasyon ang yaman ng ating bansa kasapakat ang iilang pamilyang nangangamkam ng lupa. Kinakalbo nila ang kabundukan, sinisipsip ang ating mga mineral habang naghihikahos ang mga magsasaka at katutubo.

Wala nang mapuntahan kaya mapapadpad sila sa lungsod. Doon, hahanap sila ng kahit anong trabaho, titira sa barungbarong. Pagkuwa’y idi-demolish ang kanilang mga bahay upang gawing mall, hotel, casino. Kesyo sila raw ay iskwater. Ire-relocate sila sa lugar na walang tubig, kuryente, at oportunidad.

Ang iba sa kanila’y magiging mangagagawa, magtatrabaho ng hanggang 12 oras ngunit walang benepisyo. Tatanggalin sila sa trabaho kung sila’y magrereklamo o magtatayo ng unyon. Yumayaman nang yumayaman ang kanilang amo habang sila’y nababaon nang nababaon sa utang.

At nasaan ka sa gitna ng lahat ito, Mamang Pulis? Palagi mong kinukumbinsi ang sarili na napag-utusan ka lang, na wala kang kinalaman habang ang totoo’y alam mong itinaas ng Pangulo ang iyong suweldo sapagkat ikaw ang kasangkapan. Kinakasangkapan ka sa panunupil ng mga umiimik, sa panggigipit sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, sa pagliligpit sa mga taong nais ituwid ang sistema. Literal mong dinukot ang mga mata nila, ginilitan ng leeg, dinurog ang mga daliri, sinunog ang ari, at binunutan ng mga ngipin.

Hanggang kailan ka magpapakasangkapan? Nawa’y hindi ko maitanong ito sa iyo sa hinaharap— o kailanman. Hindi dahil magiging isa kang “mabuting pulis” sapagkat nangangahulugan iyon ng pagbubulag-bulagan, pagbibingi-bingihan, at pananahimik, kundi dahil batid mo ang sagot hindi ko man itanong ito sa iyo kailanman.


Roma Estrada has taught for ten years in different high schools and universities. She also writes for Gantala Press, Ibong Adorno, and Concerned Artists of the Philippines. Currently maintaining a column for Davao Today, she also co-edited LILA, a poetry anthology by women, and Kult, a collection of capsule critiques. Her other works can be read in the anthologies Umaalma, Kumikibo (Gantala Press, 2018) and Sigwa: Climate Fiction Anthology from the Philippines, forthcoming from the Polytechnic University of the Philippines Press. Reach her at romaamor01@gmail.com.

comments powered by Disqus