Award-winning Filipino poet and activist, Maria Josephine “Joi” Barrios-Leblanc wrote the poem, “Kabalyero”, for presumptive President Rodrigo Duterte.
Kabalyero
(Para kay Pangulong Rodrigo Duterte)
By Joi Barrios
Sa bagong pangulo, waring bumabati, nangungusap
ngayong Mayo, ang pulang-pulang mga bulaklak
ng punong “kabalyero.”
Denolix ragia. Flame tree. Arbol de fuego.
Ipinaalala ng mga talulot na nagniningas,
ang pag-ibig sa bayan na laging nag-aalab,
ang kailangang tapang at lakas,
sa bawat pagsubok na dapat maharap.
Mag-apoy, mag-apoy, pangulo ka na tumutugon sa bawat hamon.
Hayaang laging nagliliyab
ang sidhi ng pagnanasa na maglingkod nang tapat.
Tandaan: ang pagiging pangulo ay kayraming pakikinig,
sa taumbayang sinasambit ang kanilang dusa at hinagpis,
ang karaingan at hirap, ang pangarap na bukas.
Mag-apoy, mag-apoy, pangulo ka na tumutugon sa bawat hamon.
Hayaang laging nagliliyab
ang sidhi ng pagnanasa na maglingkod nang tapat.
Ang pagiging pangulo ay pagtindig para sa taumbayan.
Naka-ugat ang mga paa sa prinsipyo’t katuwiran,
Nakakawing ang mga bisig sa masa na nanalig at naghalal,
Kasama sila at katuwang, sa pagsulong ng kapayapaan.
Mag-apoy, mag-apoy, pangulo ka na tumutugon sa bawat hamon.
Hayaang laging nagliliyab
ang sidhi ng pagnanasa na maglingkod nang tapat.
Ang pagiging pangulo ay paninindigan, muli’t muli paninindigan.
Hindi kailanman sunod-sunuran sa dayuhan,
kapakanan ng mahirap at api ang ipaglalaban.
Mabuhay ang presidenteng tunay na makabayan!
Mag-apoy, mag-apoy, pangulo ka na tumutugon sa bawat hamon.
Hayaang laging nagliliyab
ang sidhi ng pagnanasa na maglingkod nang tapat.
Ang punong kabalyero ay naglalagablab
sa kanyang pamumukadkad.
Hangga’t may pag-ibig sa bayan na laging nag-aalab,
lalagi sa puso, mahal na pangulo,
ang kailangan mong tapang at lakas.
Walang hindi, hindi mahaharap sa bukas.
Joi Barrios-Leblanc, Mayo 2016
* Joi Barrios completed her Ph.D. in Philippine Literature at the University of the Philippines (UP). She taught at the University and also served as an Associate for Fiction at the UP Likhaan: Creative Writing Center. She is a recepient of the Gawad Alagad ni Francisco Balagtas, a lifetime achievement award for literary writing.