Isang bukas na sulat para kay Kuya Jay (May 7, 2007)
Tol,
Sana pinapabasa ka nila ng dyaryo. Sana umabot sayo ang mensaheng ito.
Alam naming mahirap ang sitwasyon mo ngayon. Alam din namin na nagaalala ka sa pamilya. Ayos ang mag-ina. Matibay na hinaharap ng mag-uutol ang sitwasyon. At bibilib ka sa husay ni moms. Magugulat ka sa dami ng suporta. Kasama ang mga kaibigan, sama-sama naming hinaharap ang struggle na to.
Naalala mo nung kinulong si erpats, di natinag ang pamilya. Ngayon sa krisis na hinaharap natin lalong di matitinag ang pamilya. Huwag kang magalit na kinukwento namin sa mga kaibigan ang pagkain mo ng tutubi, ang pagiging pasaway mo nung bata ka pa. Kasi kailangan nila malaman na tao ka at di hayop tulad ng ginawa ng mga dumukot sayo.
Gusto ko lang sabihin sa’yo na tibayan mo ang loob mo. Tandaan mo na ang iyong paniniwala at paninindigan ay para sa nakakarami. Mas mahusay at mas matapang ka sa mga may hawak sayo. Mga duwag at traydor ang dumukot sayo. Kung anuman ang ginagawa sayo para balewalain ang pagkatao mo ay alam mong mas tao ka kaysa sa pinapamukha nila sayo. Tibayan mo ang loob mo dahil nasa tama kang paninindigan. Huwag na huwag kang mag-aalala sa min. Ayos kami. At pinagyayabang ka namin. Isa kang mabuting tao at sinisigaw naming yan sa buong mundo.
Konting tiis pa tol at magkakasama nating titingnan ang pagsikat ng araw!
Para sa bayan!!! At para sa lahat ng biktima ng paglabag ng karapatang pantao!!!
JL
Si JL Burgos ay nakababatang kapatid ni Jay-Jay at isa sa mga unang naging miyembro ng UGAT Lahi. Siya ay isang visual artist at video editor.
si Jonas Joseph Burgos, anak ni World Press Freedom Awardee Joe Burgos ay dinukot nuong Abril 28 sa Ever Gotesco Commonwealth. Labing isang araw mula ng siya ay dukutin, wala pa ring malinaw na impormasyon ang pamilya ng kinalalagyan at katayuan ni Jonas.
FREE JONAS BURGOS!
****** INBOX is an archive of press releases, statements, announcements, letters to the editors, and manifestos sent to Davao Today for publication. Please email your materials to davaotoday@gmail.com. Davao Today reserves the right to edit or refuse material for publication. *****