Press Release
01 January 2013
Ngayong araw ang umpisa ng koleksyon ng buwis sa mga produktong alkohol at tabako matapos lagdaan ni Pangulong Aquino ang Republic Act 10351 o Sin Tax Reform Act of 2012.
Sa inaasahang P33.96 bilyong sin tax collection ngayong 2013, 70 porsyento nito ay mula sa buwis sa sigarilyo. Alinsunod sa batas, 15 porsyento ng sin tax collection ay ilalaan sa mga programang pakikinabangan ng mga tobacco farmers.
Sa natitirang 85 porsyento, 80 porsyento nito ay ilalaan sa PhilHealth Program at upang maabot ang Millennium Development Goals (MDGs) ng UN. Samantala, ang 20 posyento ay ilalaan sa mga medical assistance at health enhancement facilities sa iba’t ibang distrito sa bansa.
Nauna ng binanggit ni Health Secretary Enrique Ona na ang pag-apruba sa Sin Tax Act of 2012 ay isang malaking tagumpay ng sektor ng kalusugan.
Ngunit ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, walang silbi ang implementasyon ng Sin Tax Reform Act of 2012 sa kalusugan ng maralitang Pilipino kasabay ng plano ng administrasyong Aquino na malawakang pribatisasyon ng serbisyong pangkalusugan at mga pampublikong ospital ngayong taon sa ilalim ng Public Private Partnership.
Ngayong taon, tinataya ng Kadamay na lolobo pa ang bilang ng mga maralitang maysakit na mamamatay sa kawalan ng kapasidad na magpagamot sa mga ospital mula 6 sa 10 maralitang pasyente noong nakaraang taon dahil sa pagsirit ng pagkakasakit.
Philhealth ni Aquino, hindi sapat
Ayon kay Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kadamay, nanatiling maliit lang coverage ng ipinagmamalaking Philhealth ng gubyernong Aquino. Bagamat may 5.2 milyong pamilya mula sa National Household Targeting System ng DSWD na plano pang abutin ng Philhealth, o iyong mga benepisyaryo ng CCT, malaking bilang pa rin ng mahihirap ay hindi covered ng nasabing programa.
“Sa karanasan, hanggang 30% lamang ang sinasagot ng Philhealth sa bayarin sa ospital. Kung hindi agad naayos ang PhilHealth bago ma-discharged sa ospital, maghihintay ng 3-6 na buwan sa refund ng nagastos,” ayon kay Arellano.
Sa kabila pa nito, ang ilang beses na itataas ng halaga ng serbisyong pagkalasugan dahil sa pribatisasyon sa sektor ng kalusugan ay hindi kayang saluhin ng Philhealth.
Ayon pa Arellano, ang 140% paglaki ng pondo para sa pampublikong kalusugan sa susunod na taon na umano’y dahil sa koleksyon ng Sin Tax ay malayung-malayo pa rin sa pondong inirerekomenda ng World Health Organization na 5% ng Gross Domestic Product ng bansa.
Hindi bababa sa 26 na pampublikong ospital ay planong ipasa ng gubyerno sa kamay ng mga pribadong kapitalista. Nagpahayag ang Kadamay na hahadlangan ng malalaking protesta ng mamamayan ang planong pribatisasyon ng mga pampublikong ospital sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ngayong taon.
Reference
Gloria Arellano, Kadamay national chair, 0921.392.7457
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
Militant Center of Filipino Urban Poor
12-A Kasiyahan St., Don Antonio Hts., Brgy. Holy Spirit, QC
427.4315 | kadamay-natl.blogspot.com | kadamay_national@yahoo.com