ACT Teachers Party-List Representative France Castro’s NO Vote Speech
Against the Proposal to Extend Martial Law in Mindanao
Mga kapwa ko Kinatawan, ako ay bumoto LABAN sa pagpapalawig pa ng martial law at suspensyon ng pribilehiyo ng writ of habeas corpus sa Mindanao. Hindi na dapat pang tumagal ang batas militar—na dalawang buwan nang nagpapahirap sa ating mga kababayan.
Simula’t simula pa lang ay nirehistro na namin sa Makabayan na ang martial law ay walang batayan. Hanggang sa ngayon ay walang napapatunayang aktwal na rebelyon sa buong Mindanao. Rebelyon at invasion lamang ang pinapayagan ng Kostitusyon na maging dahilan ng pagpataw at pag-extend ng martial law—hindi lawless violence, drugs, o iba pang criminal activities, o ang di nilinaw na terminong “peace spoilers.” Hindi pa rin napapatunayan ang isa pang hinihingi ng Konstitusyon na “public safety requires it” o “kapag kinakailangan ng kaligtasan pambayan.”
Isa pa, malawak at mabigat na ang pinsalang dinulot ng martial law sa inosenteng mamamayan ng Mindanao. Ang tinutukoy sa request ng Presidente na matinding pagkasira ng Marawi ay dahil sa marahas na military operations at walang patlang na aerial bombings sa mga sibilyan na komunidad. Ayon mismo sa datos ng gobyerno, lagpas kalahating milyon nang inosenteng Moro, Lumad, at Kristiyano nating kapatid ang internally displaced o sapilitang bumakwit—Halos kalahati nito ay di bababa sa 15 taong gulang. Winawasiwas ang kamay na bakal ng batas militar laban sa buhay at kabuhayan ng ating mga kababayang sibilyan, sinunog ang mga eskwelahan, at pinutol ang pampublikong serbisyo at pribadong bisnes. Libu-libo sa ating mga kababayan ang naging biktima na ng human rights violations.
Sa kasong ito, ang piniling lunas ay naging mas masahol pa sakit na sinasabing kailangang lutasin. Hindi nasulusyunan ng martial law ang problemang dulot ng extremist groups sa Marawi, bagkus ay nagdulot lamang ito ng mas marami pang suliranin dala ng paghihigpit sa paggalaw ng mga mamamayan, maging sa pagbibigay ng batayang serbisyo. Ika nga, hinuhuli mo lang ang daga, sinunog mo na ang buong bahay.
Pinangakuan ng gobyernong ang mamamayang Pilipino ng kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Umaasa pa rin ang sambayanang ating kinakatawan na ating kakamtin ang kapayapaan, iiwasan ang pagdanak pa ng dugo at pagkadawit sa kaguluhan ng daang libong mga sibilyan.
Sa mga kadahilanang nabanggit, inuulit ko na ang representasyong ito ay bumoboto LABAN sa pagpapalawig pa ng martial law at suspension ng pribilehiyo ng writ of habeas corpus sa Mindanao.
Maraming salamat, Mr. Speaker, Mr. Senate President.