Noong umaga ng Biyernes ng nakaraang linggo, ika-19 ng Hunyo, ay inanyayahan ako ng Barangay ng Calinan at ng lokal na tsapter ng Knights of Rizal upang magbigay ng keynote address sa kanilang flag-raising ceremony at paggunita sa kaarawan ni Jose Rizal. Ang sumusunod ay ang naturang keynote address, na bahagyang pinalawa k kaysa sa orihinal. Positibo’t magiliw ang reaksyon ng mga nakinig sa address na ito, kaya’t minabuti ko na ring ilabas ito dito sa aking kolum. Ninais kong lampasan muna ang mga debate’t kritisismong umiikot sa kanyang posisyon bilang “pambansang bayani”, at sa mga bulag na papuri (o, “veneration without understanding” ni Renato Constantino) upang bigyan pa rin siya ng pagpupugay para sa kanyang di naman maitatangging mga ambag, laluna sa kanyang pagsikap na magpanday ng mga bagong direksiyon sa pag-iisip at pagsusuri, na siyang kinakailangan nating mga Pilipino ngayon higit kailanman.
Isang mainit na pagbati sa lahat sa ika-154 na kaarawan ni Gat Jose Rizal!
Malaking karangalan para sa akin ang maimbita dito sa Calinan upang magbahagi tungkol sa buhay at pamana ni Rizal sa atin. Ang ibabahagi ko po ay hango, o hugot, sa tunay na buhay, sa buhay ko, at sa pagkakakilala ko sa ating pambansang bayani.
Umaasa ako na ang maibabahagi ko sa inyo tungkol kay Rizal ay iyung Rizal na hindi pa siguro natin kilala, iyung Rizal malamang ay iba kaysa Rizal ng Noli me Tangere at El Filibusterismo, Rizal bilang martir, at lalong iba kaysa Rizal ng mga tsismis tungkol sa kanyang love life at mga girlfriends.
So, ako po ay isang teacher sa UP Mindanao, at kabilang po sa mga subjects na itinuturo ko ay ang PI 100, or The Life and Works of Rizal, siyang mandatory course sa lahat ng mga kolehiyo’t unibersidad na dapat mayroong isang subject para kay Rizal at sa kanyang mga akda’t ambag sa ating kasaysayan.
Noong una po akong naatasan na magturo ng PI 100, medyo nagtaka at kinabahan ako, dahil hindi po history ang major ko sa kolehiyo, at hindi rin po Panitikang Pilipino (upang malalim na makapagtalakay ng Noli at Fili). Ang kursong natapos ko po ay anthropology, iyung nagaaral ng kultura’t gawi ng iba’t-ibang grupo ng tao, at archaeology, iyung nag huhukay sa lupa para malaman ang ating prehistory, o kasaysayan na hindi hango lamang sa written documents. Naisip ko na, naku, hindi ako eksperto kay Rizal, paano na ito?
Buti na lang, natandaan ko yung sarili kong PI noong nasa kolehiyo pa ako. Yung teacher ko po ay isang tanyag na Rizal scholar at aktibista na si Prop. Ramon Guillermo. Ginulat niya kami sa unang araw ng PI nang sinabi niya na hindi Noli o Fili ang aming tatalakayin, kundi ang librong Sucesos de las Islas Filipinas by Antonio de Morga. Teka lang, by Antonio de Morga, hindi by Rizal? Sino yan?
Itong libro po na ito ay, tama, hindi nga si Rizal ang may akda. Isang Kastila, at government official pa nga. Sa katunayan, nasulat ito mga 260 na taon bago ipinanganak si Rizal. So, ano kaya ang kinalaman nito kay Rizal?
Itong libro po na ito ang siyang tinaguriang ikatlong obra ni Rizal. Trinabaho niya ito pagkatapos ng Noli at bago niya sinimulan ang Fili, (kaya’t nasa gitna ito noong dalawang sikat na akda niya na iyon). Hindi man siya ang talagang nagsulat, pero noong nasa England siya ay pinag-aralan niya ito ng matindi at inannotate ang librong ito.
Kapag sinabing “annotate”, ibig sabihin, kinumentuhan niya ito bonggang-bongga, may substansiyal na mga tala, dagdag na paliwanag at pagwawasto sa tingin niyang mga mali. At ano nga ba ang isinulat ni de Morga? Itong libro na ito ay eyewitness account ni de Morga ng mga pangyayari noong huling mga taon ng ika-16 na siglo, iyong panahon na nagsisimula pa lamang na mag-konsolida ng kapangyarihan ang mga Kastila at hindi pa lubusang nasasakop ang mga Pilipino. Kaya, ang panahon na ito’y napakahalaga, at naisip ni Rizal na dapat talaga itong pag-aralan. Kung bakit ay babalikan natin iyan maya-maya.
May tatlong bagay sa tingin ko kung bakit espesyal itong akda na ito ni Rizal.
Una, di-katulad ng mga akdang Noli at Fili na works of fiction, ito ay non-fiction, kaya’t maririnig mo si Rizal na nagsasalita bilang si Rizal, at hindi bilang isa sa mga karakter niya sa kanyang mga nobela. Dito mo makikita ang mataray na side ni Rizal, ang sarcastic na side ni Rizal, si Rizal kung magalit o mawalan ng pasensya, pero lagi, lagi, lagi lang, ang kanyang mahusay na paggamit ng salita at pagiging tunay na makata.
Pangalawa, ang pinaka-interesanteng bahagi ng librong ito ay ang kabanata na tumatalakay sa mga costumbre at tradisyon ng mga Pilipino noong panahon ni de Morga, noong hindi pa nga sila lubos na nasasakop. Isinalarawan dito ni de Morga ang pamumuhay ng mga Pilipino na nahulma noong mga nakalipas na panahon na wala pang pakikipagugnayan sa mga dayuhan mula sa kanluran, ngunit ay nasa bingit na ng di-matawarang pagbabago na dala ng kolonisasyon, o, sa mga mapanghiwatig na salita ni Rizal: “the last moments of our ancient nationality.” Bilang anthropologist at archaeologist, ito mismo ang ika nga “expertise” ko na mas maayos kong maituturo sa mga estudyante, maliban pa sa alam ko na halos walang alam ang karamihan ng mga kabataang Pilipino sa bahaging ito ng ating kasaysayan na sumasaklaw sa panahon bago sa pagdating ng mga Kastila.
Pangatlo, ang librong ito ay kanyang idinedicate, o inihandog, hindi sa isa sa kanyang mga girlfriends o kung sino pa man, kundi sa ating mga Pilipino. Inialay niya itong akda na ito sa atin. At kung bakit niya inialay ang librong ito sa mga Pilipino ay siyang dahilan kung bakit niya inilikha itong obra na ito sa unang banda.
Ang librong ito ay tinapos ni Rizal pagkatapos niyang mailathala ang Noli Me Tangere. Isinulat niya ang Noli para maipakita kung ano ang kondisyon ng Pilipinas noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, yung panahon kung kalian siya nabuhay. Kaya ito ay may mga makatotohanang pagsasalarawan sa kalupitan ng mga prayle, ang pagiging hipokrito ng mga mayayamang Pilipino, at ang paghihirap ng mga ordinaryong Pilipino. Nang matapos niyang masulat ang Noli, naisip niya na, pagkatapos maipakita ang kasalukuyang kondisyon ng kanyang mga kababayan, kinakailangan na ngayon maipakita kung ano ba ng kalagayan natin sa nakaraan. Sa madaling sabi, iginiit ni Rizal na kailangan nating magkaroon ng historical consciousness, we need to look to the past in order to know the future, o, sa kasabihang Tagalog, ang di marunong lumingon sa pinanggal ingan ay hindi makararating sa paroroonan.
Kaya niya inannotate ang Sucesos dahil gusto niyang ipakita samga kababayan niya na mayroon nang sibilisasyon ang mga Pilipino bago pa man dumating ang mga Espanol. Dito, binigyang diin niya ang mga kakayahan ng mga Pilipino sa iba’t-ibang larangan: sa paglalayag, sa pakikipagkalakalan, mayroon na tayong sariling political structure, paraan ng pagsusulat at pageedukar sa mga kabataan. Aniya, kahit may mga alipin noong panahon na iyun, malayo ito sa mas malupit na estilong-Europeo na pang-aalipin– dito sa atin, may mga paraan upang ikaw ay makalaya at maging timawa. Special mention pa nga ang mga kababaihan dito. Si de Morga, palibhasa sanay sa mababang pagturing sa mga kababaihan sa patriyarkal na lipunang Europeo (kung saan ang babae ay mahigpit na nasa ilalim ng kontrol ng kanyang “lord and husband”), ay nabigla sa mga kalayaan at karapatan na natatamasa ng Pilipina.
Sagot ni Rizal, aba’y natural lamang ito! Nagpapakita pa nga ito ng mas progresibong pagtinging ng mga Pilipino sa mga relasyon ng mga kasarian.
Sa madaling sabi, sinikap ni Rizal dito na sabihin na mayroon na tayong sariling kasaysayan, kultura, at pamamaraan ng pamumuhay bago pa man dumating ang mga Kastila. At ang pamamaraan ng pamumuhay na ito ay mas mabuti pa nga sa kalunus-lunos na kondisyon na inabot ng mga Pilipino noon nang panahon na nabuhay si Rizal.
Sa akdang ito makikita ang pagiging historian ni Rizal. But not just any kind of historian, but a historian with a purpose. Dito ginamit ni Rizal na armas ang kasaysayan laban sa mga dayuhang mananakop. Ipinakita niya dito na salungat sa sinasabi ng mga Kastila na sila ang nag-civilize sa mga Pilipino, sila pa nga ang sumira sa nagsisimula nang mamukadkad na sibilisasyong Pilipino. Ito ang nais niyang ipahiwatig sa pag-alay ng akdang ito sa mga Pilipino: bakit natin iisipin na menos tayo sa harap ng mga dayuhan? Wala tayong dapat ikahiya o ika-menos, dahil ang pamana sa atin ng ating mga ninuno ay isang mayaman at marangal na kabihasnan na di kailanman natin dapat ikahiya o kalimutan.
Kung buhay po si Rizal ngayon ay siguradong magtataka siya kung bakit binabawasan o tinatanggal ang mga asignaturang may kinalaman sa kasaysayan at kulturang Pilipino sa antas ng basic education at maging sa kolehiyo. Ang kasaysayan ay isa sa ating mga “mental weapons” para sa isang masiglang kamalayan, kamalayan na hindi lang basta-basta sumusuko, kamalayan na mapanuri, na tumitingin sa mga kondisyon hindi bilang nahulog na lang mula sa langit kaya’t tayo’y magtiis na lamang, ngunit bilang may pinagusbungang historikal na proseso na may solusyon na makakamit sa sama-samang pagkilos.
Sa tingin ko po ay isa ito sa mga medyo tago pa na aral na pwede nating mapulot mula sa iniwan ni Rizal sa atin: ang pagpapahalaga sa kasaysayan bilang buhay at aktibong konseptong magagamit natin sa ating patuloy na paglakabay bilang bansa.
Mainam basahin: Bilang dagdag pagpapalalim sa paksang ito, mainam basahin ang mga sanaysay ng mga historyador na sina Ambeth Ocampo (“Rotten beef and stinking fish: Rizal and the writing of Philippine history” in Meaning and History: The Rizal Lectures, Anvil Publications, 2001) at John Schumacher (“The Vision of Jose Rizal” in Reform and Revolution, Kasaysayan Vol. 5, Asia Publishing Co., 1998). Maligayang kaarawan, Jose Rizal!