Explanation of NO vote on the extension of martial law in Mindanao
Rep. Emmi De Jesus
Gabriela Women’s Party
July 22, 2017
Mr. Speaker, consistent ang representasyong ito sa pagtutol sa pagpapataw ng batas militar mula pa noong rehimeng Marcos. Magpahanggang ngayon, malinaw ang aking batayan sa posisyong ito. Sa bahagi ng Gabriela Women’s Party, kinokondena namin ang mga teroristang gawi ng ilang grupo sa Marawi. Subalit, naniniwala din kaming hindi solusyon ang todong militaristikong tugon sa nagaganap na kaguluhan sa Mindanao. Hindi nagapi ng halos isang dekadang imposisyon ng martial law sa ilalim ni Marcos ang sinasabing banta ng komunismo at rebelyong Moro. Libu-libo ang pinaslang, dinakip, tinortyur at dumanas ng samu’t saring porma ng represyon subalit lalong lumakas ang digmang bayan ng CPP-NPA-NDF at nanganak ng iba’t ibang grupo ang rebelyong Moro. Bakit? Dahil nakaugat ang rebelyon sa matinding kahirapan, kawalan ng katarungang panlipunan, at paggigiit ng karapatang magpasya sa sarili. At hindi kailanman tinutugan ng tuluy-tuloy na pambobomba at todong militarisasyon ng mga komunidad ang mga batayang suliraning ito. Sa aktwal, lalong sinisindihan ng mga abuso ng martial law ang batayan ng rebelyon at ligalig sa Mindanao.
Sa pag-apruba ng extension ng batas militar sa Mindanao, pinili ng Kongreso na maging bulag sa mahalagang aral ng kasaysayan na ito. Ang masahol pa, lumabas sa interpelasyon na wala naman talagang aktwal na rebelyon sa iba pang bahagi ng Mindanao. Malaki ang pagkakaiba ng threat of rebellion sa actual rebellion. Sa mga paliwanag nina martial law administrator Lorenzana at martial implementor General Año, inamin nila na wala naman talagang actual rebellion sa ibang susing syudad sa Mindanao. At malinaw din na wala naman talagang impairment ng power and functions ng civilian authorities and courts bunga ng sinasabing rebelyon.
Even in the President’s letter recommending the extension of martial law, the uncertainty in the basis of the extension ironically rings loud and clear. I quote:
“Private armed groups and supporters of some sympathetic local politicians ARE LIKELY to continue extending their assistance…”
“The adjacent regions and provinces serve as POSSIBLE escape routes for DIWM rebels…
Sinabi na posibleng may mga escape route palabas ng Marawi ang mga terorista. Sinabi rin na posibleng may suporta ng ilang lokal na pulitiko ang mga terorista. Posible, pero hindi ito kumpirmado. Bakit hahayaan ng Kongreso na pahabain ang martial law batay lamang sa ganitong haka-haka at panghuhula ng militar sa pangunguna ni Secretary Lorenzana?
Sinabi pa kanina na zero ang human rights violations kahit napakahaba na ng dokumentasyon ng mga abuso sa ilalim ng martial law. In fact, we in Makabayan have filed two resolutions seeking an inquiry on the documented rights violations in Bukidnon, North Cotabato, and other parts of Mindanao.
Mr. Speaker, hindi pwedeng magbulag-bulagan ang Kongreso sa kawalan ng mga kongkretong batayan ng rebelyon at threat to public safety. At lalong hindi pwedeng sang-ayunan ng Kongreso ang pagpapahaba ng deklarasyon ng batas-militar sa Mindanao na walang pag-internalize ng human rights violations sa ilalim ng martial law.
For this reason, I am strongly voting against the extension of martial law in Mindanao! Tama na ang todo-gyera laban sa mamamayan. Itigal na ang air strikes sa Marawi at sa marami pang panig ng Mindanao. Harapin ng administrasyon ang pangmatagalang solusyon sa matinding kahirapan at pang-aapi na siyang ugat ng digmaang nagaganap!