FULL TEXT | State of the Bakwit Address

Jul. 24, 2017

SANA MAWAKASAN ANG DALAWANG BUWAN NANG PAG-AALINLANGAN:
State of the Bakwit Address

This statement was delivered by Omelhayyaah M. Sharief, an evacuee from Marinaut, Marawi City during the State of the Bakwit Address today, July 24, at Mahad Al-Nor Al Islamie, Madrasa, Ceanuri Subdivision, Iligan City

Assalamu Allaykum Warrahmatullahi WaBarrakatuhu!

Magandang araw po sa lahat.

Dalawang buwan na ang nakalipas nang lumikas ang aking pamilya, sampu nang libo-libong mga Maranao, mula sa Marawi upang takasan ang digmaan sa pagitan ng mga teroristang ISIS at pwersa ng gobierno.

Dalawang buwan na po. Para sa maraming pamilyang Maranao, dalawang buwan na sa araw-araw na pag-aalinlangan. Dalawang buwan na sa araw-araw na pakikipagsapalaran upang magkaroon ng pagkain, gamot at kaunting perang pangtustos sa iba pang pangangailangan.

Sa loob ng dalawang buwan, dinudurog po ang aming puso na makita araw-araw sa TV ang aming mahal na lungsod ng Marawi na winasak sa walang humpay na digmaan.

Sa bawat balita ng pambobomba na aming matunghayan, mabigat ang aming saloobin, nangangamba na baka bahay o tindahan namin ang pinunterya at tinamaan. Paano na ang mga naipundar sa pagod at hirap ng aming mga magulang? Paano nila maitaguyod nang maayos ang kinabukasan naming mga kabataan?

Ang malaking tanong na bumabagabag pa rin sa amin hanggang ngayon ay: Bakit kaming mga Maranao ginaganito ng gobierno? Kung ang pagsalakay ng ISIS ay nangyari sa ibang lugar gaya ng Cebu, gagawin kaya ng gobierno ang ginawa nito sa Marawi?

Kung tutuusin, napakaaga nang magdesisyon ang gobierno na bombahin ang posisyon ng ISIS. Nangyari ito nung May 25, pangatlong araw pa ng krisis.

Wala pa ring sagot sa aming dalawang tanong hanggang ngayon. Kaya patuloy ang aming pag-aalinlangan.

Ginoong Pangulo, wala pong may gusto sa amin na maglagi ang ISIS at salakayin nila ang mahal naming Marawi. Kaya wala pong may gusto sa amin na makikipagkasundo kayo sa ISIS kapalit nang pag-alis nila sa Marawi.

Kung inyo pong pinakinggan at binusisi nang mabuti ang aming mga nakaraang hiling, simple lamang po: hayaan n’yo po ang aming mga traditional at religious leaders na makipag-usap sa ISIS na lisanin nila ang Marawi.

Ang pakikipag-usap ay sa layuning mapigilan ang tuluyang pagkasira ng lungsod. Subalit hindi n’yo po kami pinakinggan. Kaya, sa loob ng anim na linggo, nanaig ang militaristang pananaw sa paghahanap ng solusyon sa krisis. At tuluyan ngang lumaganap ang pagkasira sa mahal naming Marawi.

Ang di lang namin maintindihan kung bakit nakikipag-usap ang gobierno sa Abu Sayyaf sa Sulu sa maraming pagkakataon, kasama na po ang iyong administrasyon, upang ma-release ang iilang mga hostages. Sa loob ng panahon na nakikipag-usap, wala pong military operation sa mga lugar ng Abu Sayyaf.

Ginoong Pangulo, hindi po magwawakas ang problema ng violent extremism at radicalism sa pagkawasak ng Marawi at pagkamatay ng lahat ng ISIS fighters na nandun pa. Una, lumikas napo ang mga matataas na lider nila. Pangalawa, matindi pa ang problema ng ating lipunan na siyang dahilan sa pagkakaroon nila ng mga recruit.

Ang tuluyang pagkawasak ng Marawi ay siyang hangad ng ISIS simula’t sapol. Sabi nila, dapat lang wasakin ang lungsod dahil ito ay makasalanan kasi ang mga tao ay hindi naniniwala sa kanilang pananaw ukol sa Islam.

Nakakalungkot isipin na sa nangyari ngayon, tinulungan pa ng gobierno na maisakatuparan ng ISIS ang kanilang binabalak.
Balak din po ng ISIS, Ginoong Pangulo, na magkakaroon ng hidwaan sa pagitan ng mga Muslim at hindi Muslim upang masasabi nilang ito ay digmaan na kagaya nung panahon ng Crusades. Ang hayagan n’yo pong pagdiin sa mga Maranao sa pagpasok ng ISIS sa Lanao del Sur ay isang hakbang papunta sa binabalak ng ISIS. Sana ay mag dahan-dahan kayo sa pananalita, Ginoong Pangulo, upang hindi natin nagagatungan ang pananaw na gustong manaig ng ating kalaban.

Habang patuloy ang gyera sa Marawi, patuloy rin ang kahirapan ng libo-libong pamilya, lalo na ang mga nag desisyong makitira sa bahay ng mga kamag-anak. Sa harap ng pinagsasabi ng mga ahensya, marami pa rin sa mga home-based evacuees ang walang sapat na suplay ng pagkain, kaya, marami sa kanilang mga bata ay nagkakasakit.

Sa mga evacuation centers, nagkakasawaan na ang mga tao sa sardinas at cup noodles. Dahil sa siksikan, at dahil natutulog sila sa semento, mataas ang kaso ng ubo at sipon dala ng init at lamig.

Dahil sa kanilang kinakaharap, mataas ang level ng stress ng mga bakwit. Kailangan matugunan ito upang mapanumbalik ang kanilang pag-asa at makapag-isip ng mga plano paano bumangon.

Sa mga balita po, Ginoong Pangulo, nalaman namin na bilyon-bilyon na pala ang nailaan alang-alang sa pagbangon ng Marawi. Saan kaya kami sa proseso’ng ito? May lugar kaya ang aming mga munting pangarap sa magagarang mga blueprint na pinupundar ngayon?

Gaya po ng paghahanap ng wakas sa krisis, nais namin na marinig ang aming boses sa anumang plano sa pagpapabangon ng aming mahal na Marawi. Kami po ang mga mamamayan dito, kaya kami dapat ang magtatalaga ng direksyon.

Ang pagbangon po ng Marawi at Lanao del Sur ay hindi lang dapat nakatuon sa pisikal na pasilidad at imprastraktura. Isang mahalagang bagay dito ay ang good governance upang maseguro ang maayos na access sa social services. Sa gayon, mawawalan ng ispasyo ang pagsibol at paglaganap ng violent extremism. Dapat lumawak ang ispasyo upang ang mga ordinaryong mamamayan ay epektibong makikialam sa takbo ng pamamahala.

Ginoong Pangulo, sana matigil na po ang aming araw-araw na pag-aalinlangan. Wakasan na po natin ang digmaan.

comments powered by Disqus