ni R.C. Asa
Pinoyweekly.org
Sinuong namin ang isang maalinsangang umaga ng Mayo para kapanayamin si Patricia Evangelista. Lulan ng FX biyaheng Novaliches, pumunta kami sa ABC 5. Mabuti na lang, airconditioned ang malawak na lobby na may salaming pader. Ilang minuto kaming naghintay.
Paglabas niya galing taping at matapos ang maikling pagpapakilala sa isat isa, sinabi niyang doon na mismo ang interbyu. Naupo na siya. Naupo rin sa hindi-kalayuan ang ilan sa katrabaho niyang minsay nakikinig at minsay nag-uusap.
Cool, sabi niya matapos naming ipakilala ang PINOY WEEKLY.
Pamilyar na ang mukha niya siyang kolumnista ng Philippine Daily Inquirer, host ng debateng pangkabataan sa telebisyon na Y-Speak, ngayoy bagong host ng Dokyu na nagpapalabas ng independiyenteng mga bidyo-dokumentaryo sa telebisyon, at pamilyar na tanawin sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman.
Unang nakilala noong 2004, nang magkampeon sa prestihiyosong International Public Speaking Competition ng English Speaking Union sa London sa edad na 18, malakas ang boses niya umaapaw sa malawak na lobby. Matatas siyang magsalita, bagaman Taglish ng kolehiyala sa pagkakataong ito.
Paghahanap ng lugar
Tatlong taon matapos makilala ng publiko, isa nang pampublikong pigura si Evangelista. May epekto ang katayuang ito sa pagtangan niya sa ilang isyu at paniniwala. Hindi puwedeng hindi consistent, aniya. Kasi, bawat sasabihin mo, may posibilidad na may maimpluwensiya kang tao o gamitin laban sa iyo.
Gusto niyang humulagpos sa imaheng ipinapataw sa kanya bilang boses ng kabataan. Ang kapal naman ng mukha ko kung pakiramdam ko, ako yung nagsasabi ng gusto nilang sabihin. Siya man, sabi niya, ay mao-offend kung may magsabing ang isang tao ang boses ng kabataan o henerasyon niya.
Tila nahahanap na niya ngayon ang partikular na lugar ng madalas mapag-usapang kolum niya sa diyaryo. Sabog aniya ang direksiyon nito noong nakaraang taon. Ngayon, aniya, dahil medyo mulat na siya sa kung ano ang nangyayari, mas marami ang ilalabas niyang mga expose.
Kumpara sa ibang kolumnista na marami nang karanasan o napag-aralan mayroon na silang mga Ph.D. o M.A. nakikita niyang ang mas maiaambag niya ay field work. Kung ano yung nakita ko, yun ang dadalhin ko. Kaya mas kaunting opinyon siguro, at mas maraming naratibo o kuwento ang tunguhin ng kolum niya.
Masaya siya sa Dokyu. Nagpapasalamat akong nabibigyang boses ang mga hindi napapansin. Aniya, mananatiling mapanghamon ang palabas na nagtampok maging ng progresibong mga bidyo-dokumentaryo sa marami at ibat ibang paraan. Matutuwa ka, magugulat, maiiyak. Pero tuluy-tuloy, mapag-iisip ka.
Hindi lang sa porma niya nahahanap ang lugar. Ang ipanganak na Pilipino, parang anlaking hamon Kung Pinoy ka, tapos bata ka, kailangan, alam mo ang nangyayari. Sabay pag-aming Ako, matagal ako eh, bago ko nalaman. Bagay na pumipigil sa kanya para kondenahin ang mga taong hindi alam ang nangyayari o walang ginagawa.
Paglaban sa mga abuso
Pero aniya, kapag alam mo kung anong nangyayari, pag-isipan mo: Saan ka tatayo, ano ang gagawin mo, ano ang sasabihin mo. Tapos pag alam mo na, doon ka gumalaw Kung nasaan ka, kung ano ang talento mo, doon mo ihagis. Nito ngang huli sa kanyang kolum, naging kritikal siya sa mga abuso ng rehimeng Arroyo.
Paborito niyang tuligsain sa kolum niya ang nangungunang mga alalay ni Pangulong Arroyo. Komento niya kay Hen. Jovito Palparan: Wala siyang karapatang tumakbo sa gobyerno at sabihing wala siyang pananagutan Rurok ng kayabangan na maniwalang kaya niyang takasan ang mga ginawa niya.
Hindi raw nararapat si Raul Gonzalez sa Departamento ng Katarungan. Nakakatawa siya. Dapat, may sariling comedy show siya. Komento niya kay Arroyo: Isa siyang babaeng sinukol ang sarili sa isang sulok at ngayon ay puwersadong gumawa ng mga desisyong marahil ay hindi pinakamainam para sa kanya o sa bansa.
Pero partikular siyang pinasalamatan ng mga progresibo sa pagsubaybay sa panawagan para palayain sina Karen Empeo at Sherlyn Cadapan, mga estudyante ng UP na dinukot ng pinaghihinalaang mga militar sa Hagonoy, Bulacan noong Hunyo 2006. Tinuluy-tuloy ko yung istorya, pag-amin niya.
Interesado ako sa istoryang ito, kasi UP sila Tapos babae pa malapit sa edad ko. So, sa akin, yun ang pinakamasakit. Eh nakausap ko ang mga magulang nina Karen at Sherlyn, naikot ko ang mga pinuntahan nila. Sa pagsisiyasat at mga pagkakatulad niya sa dalawa nag-umpisa ang pakikipagkaisa niya.
Actually, hindi ko alam kung nakatulong ako, tugon niya nang tanungin kung bakit siya tumulong. Pakiramdam ko talaga, hindi ko sila natulungan. Kasi, hanggang ngayon, wala pang court decision, wala pa sina Karen at Sherlyn. Mas himutok na limitado ang nagawa ng panulat niya, kaysa pekeng pagpapakumbaba.
So, kahit anong isulat ko, parang wala, aniya. Ang pagtayang ito sa naitulong niya, gayunman, ay nababawi ng pag-asang kahit paano siguro, may mas namulat na ibang tao. Marahil, matutuwa rito maging sina Karen at Sherlyn, na nagpahalaga sa pagmumulat para man sa kagyat na mga kahilingan o pagbabagong panlipunan.
Ano ang iboboto niya sa party-list? Malinaw naman eh. Gabriela, Bayan Muna, Akbayan, Kabataan. Siyempre, Bayan Muna-Akbayan, magkasabay eh na tila pagpapakitang nasa Kaliwa ang simpatya niya, pero hindi malinaw kung alin dito. Pero siguradong hindi Bantay. Iyung mga AA, naaasar ako eh.
Patungong Kaliwa?
Minsan, natutuwang sinabi ng manunulat na si Jose Pete Lacaba na nakikita niya ang sarili noong bata pa kay Evangelista. Nagsimula raw siyang niyutral na manunulat, pero unti-unting naging progresibo dahil sa paglubog sa pamamahayag. Natutuwa si Evangelista sa papuri, at hindi tinutulan ang gayong paglalarawan.
Aniya, gayunman, walang nagbago sa mga paniniwalang isinulat niya, maging ang mga pinuna ng ilang progresibong manunulat. Para maging aktibista, hindi mo kailangang magrali sa kalye maging Kaliwa. Kailangan mong gawin ang kaya mong gawin saanmang sektor na gusto mong gawin iyon. Naniniwala pa rin ako dito.
Magandang halimbawa siya ng ikalawa. Nakakapagmulat siya sa pamamagitan ng mga kolum at iba pang sulatin niya. At intensiyon man niya o hindi, nakakapag-ambag siya sa mga taong nakakakita na mas makakatulong sila sa pag-alpas sa kinalalagyan nila sa pagtungo sa lansangan at sa Kaliwa.
Umasa tayong sa malaot madaliy mapag-uugnay niya ang dalawa.