TULA (POETRY)
Butil ng Palay, Sako at Baril
(Alay kay Kasamang Noel, martir ng dekada 80)
NI OLIVER CARLOS
Inilathala ng Bulatlat
May luha sa iyong mga titig
Lipos ng takot ang namamaga mong mukhat dibdib
At sa pagkahandusay ng duguang katawan sa inaanay mong sahig
Tiim-bagang nanghihina, pahagulgol mong nasambit,
Mga salot! Mga ganid! Mga lintang sumisipsip!
O kay hapdi ng iyong sugat mula sa palo ng baril
Habang kipkip ang duguang sako na lalagyan sana ng mga butil
Butil ng palay mula sa lupang iyong inaruga at inibig
Lipakin mong palad at butuhang gulugod ang naghasik
Sa bawat pitak ng lupa na piping saksi sa iyong mga pasakit
Bakit nang aanihin nay saka sila darating?
Panginoong maylupa, usurerong ganid at sakim
Nangakangising kinamkam, mga butil na iyo na lamang kakainin
Wala na ang butil!
Wala ka nang palay na ipupunlat itatanim
Wala na rin ang lupang ipinambayad sa utang na sapilitang siningil
Sa kaunting utang na dumoble, tumubo nang walang tigil
Matagal na dapat nailuwal sa ani ng lupa ang mga utang na iyon
Bakit ngayoy kanila pa itong inaangkin?
Wala na ang lupa!
Wala ka nang palay na maisisilid
Sa ulilang sako na naghihintay sa inani mong mga butil
Kaytalim ng iyong mga titig
Lipos ng galit ang kinulata mong mukhat dibdib
May apoy ang bawat salitang nagnunulas sa iyong bibig
O kay tatag ng iyong mga hakbang, kay lalim ng iyong iniisip
Duguang sakoy may halaga pa rin! Nagsisilbing pambalot….
Pambalot sa bitbit mong baril!
Inilathala ng Bulatlat