Ni Noel Sles Barcelona
Pinoyweekly.org
DAHIL SA INGAY ng pulitika sa bansa, tila hanging dumaan sa pandama ng sambayanan ang pagbudyong ng NCCA (National Commission for Culture and the Arts), CCP (Cultural Center of the Philippines) at mga katuwang na mga institusyon at organisasyon, hinggil sa sambuong buwang pagdiriwang ng Kapistahan ng Pamanang Pilipino (Filipino Heritage Festival) ngayong Mayo.
Hindi napansin ang pulong balitaan na ginanap sa Dusit (Nikko) Hotel sa Lunsod ng Makati noong Abril 12 bilang bahagi ng pagbubukas ng pagdiriwang at hindi rin napuna ang unang arangkada ng mga palatuntunang bahagi ng pagdiriwang sa Harbor Square, CCP noong Abril 28 na kinatampukan ng Philippine Youth Symphonic Band.
Walang masyadong artikulo o balitang lumabas sa dyaryo (liban sa mangilan-ngilan sa Philippine Daily Inquirer, Philippine Star at iba pang arawang broadsheet), walang naulinig sa radyo, at walang naianunsiyo sa telebisyon.
Tanging mga mukha ng tumatakbong pulitiko at mga artistang taga-endorso nila ang namamayagpag sa telebisyon; mga jingle pangkampanya ang naririnig sa mga istasyon ng radyo; at naglalakihang makukulay na patalastas ang mababasa sa halos lahat ng pahina ng dyaryomapa-broadsheet o tabloid.
Liban sa aktor na si Cesar Montano, wala nang iba pang kandidato sa pagka-senador ang nagpahayag ng kongkretong plataporma-de-gobyerno hinggil sa sining at kultura. Hindi na nakapagtataka ang paninindigan ni Montano hinggil sa pagpapaunlad ng sining, kultura, at pagdiskubre ng natatagong talento ng mga Pilipino dahil siya ang isa sa mga kinatawan ng Unesco (United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization) sa bansa.
Paano naman ang paninindigan ng gobyerno na inatasan ng Konstitusyong 1987 na dapat magtaguyod, magpaunlad at maglinang ng kultura at sining Pilipino?
Isang kahig, isang tuka
Sa matagal na panahon, napabayaan nang husto ang sektor ng kultura. Liban sa pabalat-bungang pagpapatampok ng kultura at sining sa panahon ng dating diktador Ferdinand E. Marcos sa pamamagitan ni Unang Ginang Imelda R. Marcos, nananatiling busabos ang mga artista at manggagawang pangkultura sa Pilipinas.
Aminado si Nestor Jardin, pangulo ng CCP, na busabos isang kahig, isang tuka ang industriya ng sining at kalagayang pangkultura sa bansa.
Hindi maganda para sa sining ang kasalukuyang kalagayan ng badyet ng (pambansang) gobyerno na 75% ng kabuuan nito ang napupunta sa pambayad-utang samantalang 25% lamang ang aktuwal na nagagastos para sa pagpapatakbo ng bansa na sa panig ng Malakanyang, gugugulin na lamang niya ito sa batayang pangangailangan ng mga mamamayan gaya ng pagkain, transportasyon, edukasyon o kung anu-ano pa dahil ang tingin ng karamihan sa mga lider natin na hindi singhalaga ng nabanggit na mga pangangailangan ang sining at kultura, pahayag ni Jardin noong 2006 sa panayam sa kanya ng Enterprise, isang magasing pang-negosyo.
Sa puntong ito, kung susuriin ang sinabi ni Jardin, hindi rin namang makatotohanang sabihin na sa nabanggit na mga batayang serbisyo at pangangailangan napupunta ang kabuuan ng 25% ng pambansang badyet. Kalalakhan nito, napupunta sa korapsiyon o pangungurakot ng ilang opisyal ng gobyerno.
Kaya hindi na nakapagtataka na parang batang gusgusing nanlilimos sa malalaking negosyante, dayuhang pribadong institusyon, embahada ng ibang bansa, at mga maaring hingan, ang mga lokal na institusyong pansining at pangkultura sa bansa. Patunay nito ang mga kompanyang nakalimbag sa likod ng polyetong nagsisilbing imbitasyon para sa kapistahan.
Sining at kultura: kailan lilingapin?
Kultura ang sinasabing pinakatatak ng isang lipunan o sibilisasyon. Ito rin ang ebidensiya ng karunungan at kakayahan ng mga taong kumikilos sa lipunang yaon. Ngunit kung parang batang paslit na pinabayaang mag-isang gumapang, magpakain, magbihis, at kumalinga sa kanyang sarili kailan kaya tuluyang lalago at yayabong ang sining na malaon nang busabos at gugula-gulapay?