Ni Noel Sales Barcelona, Ja Faune at Ryo Suda
Pinoyweekly.org

Binatikos ng progresibong mga partylist Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan at Suara Bangsamoro ang hakbang ng Comelec (Commission on Elections) na lagyan ng asterisk (*) ang kanilang partido sa listahang inilabas ng komisyon na gagamitin ngayong eleksiyon.

Sa pulong balitaan sa lingguhang Kapihan sa CyPress sa Treehouse, sinabi ni Anakpawis Rep. Rafael Ka Paeng Mariano na malisyoso ang gayong paglalagay ng tanda, bagay na inayunan naman ni Gabriela Rep. Liza T. Largoza-Maza.

Anila, maghahatid ng kalituhan sa mga botante ang tandang inilagay sa tabi ng pangalan ng partylist at pag-iisipin ang mga ito (botante) kung ano ang ibig sabihin ng asterisk sa tabi ng progresibong mga partylist.

Duda nila, sadyang ipinalagay iyon bilang tanda na ang mga partylist Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, at Suara ay mga partylist na may kaugnayan sa kilusang komunista sa bansa. Nauna nang nagpaabot noon sa mga mamamayan si Sek. Norberto Gonzales at retiradong heneral at ngayon ay tumatakbong kongresista sa partylist na Bantay Jovito Palparan Jr. na huwag ibobota ng naturang mga partylist dahil karamihan sa lider nito ay kasapi ng CPP (Communist Party of the Philippines) at ang kanilang pondo ay ginagamit sa operasyon ng NPA (New Peoples Army), ang sandatahang lakas ng CPP.

Nagsampa na ng kaukulang reklamo sa Comelec en banc at Korte Suprema ang limang partylist para alisin ang asterisk sa tabi ng kanilang pangalan sa opisyal na listahan ng mga kumakandidatong partido at mga opisyal ngayong eleksiyon.

comments powered by Disqus