TALAGANG garapal nat walang habas o pakundangan ang mga hakbang ng naghahari-hariang rehimen matupad lamang ang labis nitong pagnanasang makapanatili sa kapangyarihan gayong isinusuka na ng malawak na sektor ng sambayanang umaalinsunod lamang sa sinabi ng manunulat-pilosopong si Voltaire na sagradong tungkulin ng mga mamamayan na palitan ang isang pamahalaang hindi na matugunan ang kanilang mga pangangailangan, lalo na nga ang isang gobyernot mga lider na nandarambong sa pondo ng bayan at umaabuso sa panunungkulan.
Sa halos lahat ng aspeto, batay sa nakasusukang mga nangyayari, malinaw nitong pinagsisikapang gipitin o sikilin, takutin o iligpit, ang mga kalaban nito sa pulitika gayundin ang makabayang mga kritiko na itinuturing nitong banta sa kinababaliwan nitong poder, impluwensiyat pribilehiyo kahit sukdulan mang salaulain pa ang Konstitusyon at demokratikong mga proseso. Hindi na nga kailangan ang may malinaw na gradong salamin sa mata upang makita ito ng mulat sa reyalidad na mga mamamayan. Patuloy itong pinatutunayan ng tumitinding opinyon-publiko, gayundin ng pagtuligsa ng pandaigdig na mga organisasyon, laban sa abusadong mga patakaran ng rehimen at pambansang liderato.
Pinakahuling halimbawa na lamang ang pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos, ang kaso ng mga alkaldeng sina Jejomar Binay ng Makati at Jesse Robredo ng Naga, gayundin ang nabigong pagpatay sa anak ni Bro. Eddie Villanueva ng JIL (Jesus is Lord) sa Bulakan kamakailan. Nariyan din ang pag-iimbento ng mga party-list na maka-Malakanyang at paggamit sa militar upang ibagsak ang mga grupo namang tandisang tumutuligsa sa tiwaling pamamahala sa bansa ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo. Salamat na lamang at ibinasura ng Korte Suprema ang mapanikil na mga dekrito ni La Gloria (E.O. 464, CPR, Proklamasyon 1017).
Pero, pagkatapos ng malakarnabal na eleksiyon mamayagpag man o maglunoy sa poso negro ng pulitika ang sipsip-butong mga basalyos ni La Gloria parang tabak naman ni Damocles na nakaamba sa ulo ng mga kritiko, makabayan at progresibo ang HSA (Human Security Act ng 2007) o batas kontra-terorismo. Madali na nilang bansagang terorista ang hindi nila kabalahibo at pairalin ang disimuladong batas-militar nang, sa gayon, mabusalan ang bibig at malumpo ang itinuturing na mga kalaban sa pulitikat kapangyarihan upang patuloy silang makapaghari-harian at maglublob sa mga grasyat pribilehiyong mula sa pawis at dugo ng sambayanan.
Higit na masama, patuloy pa nilang maibebenta sa dikta ng diyus-diyosan nilang mga Amerikano ang pambansang ekonomiyat kasarinlan bilang alay sa altar ng mapaminsalat mapandambong na liberalisasyon o globalisasyon. Ngayon pa lamang, batay sa pahayag ni Joachim von Amsberg, direktor ng World Bank sa Pilipinas, hinihikayat niya, o sabihin nang dinidiktahan, si La Gloria na ibukaka sa dayuhang mga kapitalista sa ngalan ng liberalisasyon ang limang pangunahing sektor ng negosyo o industriya sa bansa: kompanya ng pambiyaheng mga eroplano, mga piyer o pantalan, elektrisidad, pabrika ng semento, at maging agrikultura.
Batay sa ipinangalandakan ni Von Amsberg, bibilis diumano ang pag-unlad ng bansa kung malayang mapapasok ng dayuhang mga kapitalista ang naturang limang larangan at kailangan itong maisakatuparan, ayon pa rin sa kanya, bago matapos ang termino ni La Gloria kung matatapos nga ito sa 2010. Kung paniniwalaan ang kanyang iginigilgil, bibilis nga kaya ang anumang pag-unlad ng bansa sa pamamagitan ng dayuhang pamumuhunan at pagkontrol sa pangunahing mga industriya? Habang sinasamantala nila ang manggagawang Pilipinong inaalipin ng miserableng suweldo, at nilulumpo ang lokal na mga kapitalista, hinahakot naman nila taun-taon ang limpak-limpak na tubo sa halip na ipagtayo ng bagong mga industriyat pabrika ang malaking porsiyento niyon na maaari ngang makatulong sa pambansang ekonomiya. Sabagay, sino nga bang kapitalista ang hindi gahaman sa tubo? At sinong dayuhang kapitalista ang magmamalasakit sa kapakanan ng bansang hindi naman nila bansa?
Sa maikling salita, hindi lamang lalong ipinasasakmal ni Von Amsberg ang bansa sa masibang bunganga ng liberalisasyon o mga instrumento ng imperyalismong pangkabuhayan sa pangangayupapa at pakikipagsabuwatan na rin ng makadayuhan at walang gulugod na pambansang liderato kundi ilalagay pa nito sa panganib ang pambansang seguridad kung tuluyang makokontrol ng mga dayuhan lalo na nga ang elektrisidad at mga piyer at paliparan, huwag na ang gusto pang angkining mga lupain, gayundin ang nais gahasaing larangan ng telekomunikasyon at mga utilidades na pambayan kung natuloy nga lamang, at tiyak na isusulong pa rin ng kasalukuyang pambansang liderato, ang idinidikta ng mga diyus-diyosan ng imperyalismo na Cha-Cha o pagbabago sa Konstitusyon upang malaya nilang masalaula ang ekonomiyat soberanya ng bansa.
Batay tuloy sa nabanggit na mga bagay, o patuloy na umiiral na mga pangyayari, waring ipinahihiwatig ngayon pa lamang ng isang rehimeng mapanikil, abusado sa poder, walang paggalang sa lehitimong mga karapatan ng mga mamamayan, at nananalaula sa demokratikong mga proseso makapanatili lamang sa nakasusugapang kapangyarihan bukod pa nga sa pagiging alipin ng dayuhang mga interes, ang lumilinaw na mga senyales ng isang bansang malapit nang maghingalo o naghihingalo na nga? tungo sa libingan ng mumunting mga pangarap ng dayukdok na sambayanan na, dahil sa pagiging disgustadot diskontento, ay hindi malayong maligo sa dugo para lamang magkaroon ng makabuluhang pambansang pagbabago.