Ni Noel Sales Barcelona
Pinoyweekly.org
COMELEC (Commission on Elections) ang dapat sisihin sa bigong eleksiyon sa 14 na bayan sa Mindanaw dahil walang ginawang paunang hakbang ang ahensiya at ang maging ang katuwang nitong PNP (Philippine National Police), ayon kay Zaynab Ampatuan, tumatakbong kongresista sa ilalim ng Suara Bangsamoro party-list.
Tinatayang 100,000 botante ang nabigong makilahok sa halalan noong Lunes, Mayo 14 mula sa mga bayan ng Bayang, Lumbatan, Madalum, Binidayan, Puales, Sultan Dumalondong, Kapai, Lumbayanague, Butig, Kapatagan at Tuburan, pawang sa Lanao del Sur at Barira sa Shariff Kabunsuan.
Sa ulat ng PNP (Philippine National Police), hindi dumating ang BEIs (Board of Election Inspectors) at iba pang opisyal sa lugar ng botohan dahil sa bantang pambobomba sa Lanao del Sur samantalang hinadlangan ng mga nagpoprotestang tagasuporta ng isang kumakandidato roon kaya hindi nagawang makapagdaos ng pagboto sa nabanggit na mga bayan.
Bukod sa nabanggit na mga lugar, suspendido rin ang eleksiyon sa anim na presinto sa dalawang barangay sa Basilan; mga barangay sa Litawan at Sibuco, Zamboanga del Norte; isang presinto sa Barangay Cayontor sa Kauswagan, Lanao del Norte at Langiden, sa bayan ng Abra.
Bukod sa karahasan at protesta ng mga tagasuporta ng mga kandidato, isa rin sa itinuturong dahilan ng suspensiyon ng eleksiyon sa mga bayan ng Pantao at Pantar, kapwa sa Lanao del Norte ang pagkakadiskubre ng mga 2,000 ilegal na botante sa Pantar at pagkawala naman ng 3,702 balotang gagamitin sa eleksiyon sa Pantao.
May sinunog ding presinto sa Brgy. Bakong, Sumisip, Basilan na ikinaantala ng pagsasagawa ng eleksiyon doon.
Hinamon ng lider-Moro ang Comelec na patunayan na kaya nitong pigilan dayaan sa Lanao del Sur na naging pugad ng pandaraya noong eleksiyong pampanguluhan noong 2004.
Samantala, tatlong kagawad ng Suara sa bilangan ang hindi pinapasok ng militar sa lugar ng bilangan sa munisipyo ng Tubod, Lanao Del Norte. Kinilala ang tatlo na sina Sahara Abdul, Samsida Maradi, at Dimangki Tangkulo.
Nakatanggap din ng ulat ang Suara ng pang-aagaw ng apat na urna (ballot boxes) sa bayan ng Datu Montawal, lalawigan ng Maguindanao.
Nanawagan ang Suara sa lahat ng mga mamamayan sa Mindanaw na patuloy na bantayan ang kanilang boto.