July 14, 2006
Mabuhay ang ika-1 anibersaryo ng Moro Resistance and Liberation Organization! Mabuhay ang umiigting na pakikibaka ng mamamayang Moro para sa karapatan sa sariling pagpapasya at Pambansang Demokrasya!
Ito ang buong-tapang na panawagan ni Hassan Al-Banna, Pambansang Tagapangulo ng Moro Resistance and Liberation Organization (MRLO), sa kanyang pahayag sa isang taong anibersaryo ng organisasyon ng mga Moro.
Matagumpay na idinaos ng Moro Resistance and Liberation Organization (MRLO) ang isang taong anibersaryo nito nuong Hunyo 30, 2006, sa isang bulubunduking lugar sa isang sonang gerilya ng NPA sa Central Mindanao. Dinaluhan ito ng mga delegado at upisyal ng organisasyon mula sa ibat ibang bahagi ng Mindanao at ng ilang bisita mula sa upisina ng NDF-Mindanao.
Hinimok ng MRLO ang mamamayang Moro na magkaisa at ipagpatuloy ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya at kalayaan. Ibinandila ng mga bagong sibol na mga rebolusyonaryong Moro ang kanilang pakikiisa sa sambayanang Pilipino laban sa tumitinding krisis sa bansa at laban sa pasistang panunupil ng administrasyong Arroyo sa nakikibakang mamamayan.
Sa paglawak ng kasapian ng MRLO, ikinagagalak ibalita ng MRLO na malugod na niyakap ng mamamayang Moro ang mga prinsipyo at pakikibaka ng MRLO. Naabot ng MRLO ang halos lahat ng probinsya ng ARMM at ng mga sentrong komunidad ng Moro sa Mindanao at maging sa Maynila. Naabot rin nito ang halos karamihan ng mga tribong Moro mula sa hanay ng mga kabataan-estudyante, magsasaka at mga propesyunal at maging ang kanilang mga relihiyoso at tradisyunal na lider ng komunidad ng Moro.
Ayon kay Tagapangulong Hasan, pinamunuan ng MRLO ang aktibong paglahok ng mamamayang Moro sa pambansa demokratikong pakikibaka sa pamamagitan ng masikhay na pag-oorganisa sa hanay ng mga Moro. Mula sa matagumpay na unang kongreso ng pagkakatatag nito noong Hunyo 2005, binalikan ng mga miyembro at upisyal ng MRLO ang kanilang mga komunidad at nagsagawa ng malawakang kampanyang edukasyon sa hanay ng mamamayang Moro sa mga pundamental na suliranin ng bansa na siyang ugat ng paghihirap ng sambayanang Moro, at sa mga prinsipyo at paninindigan ng MRLO.
Idinagdag pa niya na hudyat ito na tama ang anti-imperyalista, antipyudal at antipasistang pampulitikang linya na tangan-tangan ng MRLO na siyang sasagot sa problema ng mamamayang Moro. Ibinandera nito ang pagpapaigting sa armadong pakikibaka at hindi usaping pangkapayapaan ang pangunahing nararapat na tugon sa panunupil ng reaksyunaryong gubyerno.
Ayon pa sa pahayag, ang kahirapang dinaranas ng mamamayang Moro dulot ng matinding krisis pang-ekonomya sa bansa ay labis pang pinapagrabe ng sapilitang pagpapalayas sa kanilang mga komunidad, na patuloy na nangyayari sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo. Sa ngayon, nanatiling nakatala bilang pinakamahirap na probinsya ang mga Bangsamoro areas. Isang patunay na hindi seryoso ang reaksyunaryong rehimen na tulungan ang mamamayang Moro. Maging ang napakaliit na badyet na nakalaan para sa mga payak na pangangailangan ng Moro ay ipinagkakait pa sa kanila. Walang sapat na irigasyon para sa mga sakahan ng mamamayang Moro, walang eskwelahan sa karamihang mga komunidad at walang trabaho ang kalakhan ng mga Moro laluna ang mga napalayas sa kanilang mga lupain dahil sa All-Out War ng rehimeng Arroyo.
Bukod pa dito, binatikos ng tagapangulo ng MRLO ang rehimeng US-Arroyo dahil sa wala ni katiting na pagrespeto nito sa mga lupang ninuno ng mamamayang Moro. Ayon kay Hassan, tinatarget halimbawa ng administrasyong Arroyo ang Liguasan Marsh at Sulu Sea Basin upang linangin ang mga oil at natural gas deposits para sa mga dayuhang kapitalista.
Dagdag pa ni Hassan na ang maraming lupain naman ng Bangsamoro ay ibinubukas para sa pagtatayo ng mga plantasyon ng mga magkasosyong dayuhang multinational corporations at lokal na malalaking burgesyang komprador.
Tumitindi ang pang-aagaw sa aming mga lupain. Sa pamamagitan ng militarisasyon at pagtatayo ng mga plantasyon, napipilitan ang maraming bilang ng mga Moro na lumikas sa aming mga lupain. Kaya naman, kahit may usaping pangkapayapaan ay patuloy pa rin ang armadong paglaban ng kalakhan ng kasapian ng Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front sapagkat ito na lamang ang paraan upang manatili kami sa aming mga komunidad, ani Hassan Al-Bana.
Gamit ang histeryang teroristang Moro, mas pinaiigting ngayon ng rehimeng US-Arroyo ang pag-atake sa mga komunidad ng Bangsamoro na ayaw sa panghihimasok ng tropang Amerikano at reaksyunaryong hukbong sandatahan ng Pilipinas. Pinupugpug ng bomba at mga kanyon ang Sulu at Maguindanao upang pahinain ang paglaban ng ilang komanders ng MNLF at MILF.
Iginuhit ng MRLO ang tamang pagtingin sa rehimeng US-Arroyo at ang kasalukuyang usaping pangkapayaan na iniaalok nito ngayon sa MILF. At na hindi dapat ito makatali sa kamay ng mamamayang Moro sa paglaban, bagkus tingnan ito bilang isang pagkakataon para ilantad ang tunay na maitim na pakana ng rehimeng US-Arroyo sa usaping ito na walang iba kundi ang pasukuin at gawing pasibo ang armadong pakikibakang patuloy na inilulunsad ng mamamayang Moro. |
Idinagdag pa ni Hassan na kailangan mailinaw sa malawak na mamamayang Moro na ginagamit lamang ng Rehimeng Arroyo ang usaping pangkapayapaan para ibulid ang pakikibaka ng mamamayang Moro sa mga amot na konsesyon na nakatali pa rin sa balangkas ng isang malakolonyal at malapyudal na sistema at para bigyang daan ang patuloy na panghihimasok at pangangamkam sa mga lupain at iba pang yaman ng mamamayang Moro. Matalas na tinukoy sa kongreso ang mga aral mula sa pagkakabuo ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na dati nang ipinanghikayat ng rehimeng US-Ramos sa MNLF nuong pumasok ito sa kasunduang 1996 Final Peace Agreement. Malinaw, ayon pa sa pahayag, na hindi ito nakalutas sa mga suliranin at kahirapang dinaranas ng mamamayang Moro.
Bilang pangwakas, mariing pinahayag ng Tagapangulong Hassan Al-Bana, na tanging sa armadong pakikibaka lamang makakamit ng mamamayang Moro ang tunay na demokrasya at karapatan para sa sariling pagpapasya at na kailangang isanib ang kanilang pakikibaka sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino hanggang maibagsak ang mapanupil na naghaharing rehimen at maitatag ang isang tunay na demokratikong gubyernong bayan na may pagkilala sa mga demokratikong karapatan at mga aspirasyon ng mamamayang Moro.
Hassan Al-Banna
Chairman
Moro Resistance and Liberation Organization
Email: mororev@yahoo.com